Ang Mandirigma ng Abaniko
by Foobarph
Genre: Fantasy
Archetype: The Wrathful Father, The Christ Figure, The Siren and The Tomboy
Keywords: Blood, Dragon, Fan, Old Photograph, Wings, and Sacrifice.
NOONG unang panahon, upang matapos ang Digmaan ng Limang Emperyo, sumali ang tahimik ngunit magigiting na mandirigma ng ABANIKO sa labanan. Buong lakas nilang hinarap ang apat na emperyo na nais maghasik ng lagim sa daigdig.
Nung una ay nahirapan sila dahil nagkaruon ng paksyon sa pagitan ng kanilang mga kasamahan at maging sa ibang tribo na kasama sa emperyo na kanilang sinalihan. Ngunit sa di kalaunan ay nakumbinsi nila ang tatlo pang emperyo na pumirma ng kasunduang pang-kapayaan ngunit ayaw ng PULANG emperyo sa kanilang proposisyon. Sa makatuwid, ang labanan ay naging apat laban sa isa.
Ang inaakala nilang tagumpay dahil sa dami ng kanilang bilang ay napunta lamang sa pagkamatay ng marami sa kanilang kasamahan. Ang iba ay pinanghihinaan ng kalooban dahil sa lakas ng kalaban. Mayruon kasing hawak na sandata ang kanilang kalaban na wala ang kanilang pwersa—at DRAGON ang tawag nila dito.
Sinasabi sa alamat na dati daw itong BINATA na umibig sa isang DALAGA dahil sa angkin nitong kagandahan. Ngunit ang inaakala nitong tunay na pag-ibig mula sa dalaga ang siyang naglagay sa kamatayan ng binata. At bago tuluyang malagutan ng hininga ang binata ay sumumpa siya na siya ay babalik upang mag-HIGANTI!
Pagkatapos tumakbo ng dalaga papalayo sa binata ay unti-unting pumatak ang dugo nito sa lupa at narinig ng dios ng kadiliman ang daing nito kung kaya’t hinipan nito ang kaniyang likuran at saka lumabas ang isang maitim at pangit na PAKPAK na siyang nagbalik na buhay nito. Ngunit hindi na bumalik sa dating anyo ang binata dahil ang kaniyang katawan ay tuluyan ng nag-iba ng anyo…
Nang makapasok ang dragon sa huling depensa ng apat na emperyo ay may isang BABAE na nakasuot ng baluti para sa isang mandirigma ng abaniko ang siyang sumigaw ng malakas at binanggit ang pangalan ng dragon.
Sa nangyaring iyon, napahinto ang mga mandirigma sa dalawang panig sa kanilang ginagawang pakikipag-laban at nagtaka na nagtatanong kung bakit kilala ng babae ang dragon. Iniisip ng ilan na nasisiraan ng bait ang mandirigmang babae ngunit naniwala sila sa sinabi nito dahil maging ang dragon na kanilang kalaban ay huminto din sa ginagawa nitong pag-atake sa kanila.
Maya-maya pa ay lumapit ang mandirigmang babae sa dragon at ipinakita ang isang larawan na may guhit ng isang lalake at isang babae na may dala-dalang sanggol sa braso nito. Sinabi nito na ang lalake sa larawan ay ang dragon, ang babae ang ina nito at siya ang sanggol na bitbit ng babae. Sa makatuwid—
Sumigaw ang dragon ngunit hindi natinag ang mandirigmang babae. Bagkus ay lumapit pa ito upang hawakan ang ulo ng dragon bago nito siya niyakap habang umiiyak. Nagtanong ang dragon kung bakit nagawa siyang pag-taksilan ng kaniyang ina noon.
Ipinaliwanag naman ng mandirigmang babae na nagawa daw ito ng kaniyang ina dahil sinabi ng lolo nito na kung talagang mahal daw nito ang kaniyang ama ay kailangang painumin niya muna ito ng halamang gamot dahil iyon ang tradisyon ng kanilang angkan. Dahil sa murang edad, naniwala ang ina nito ngunit huli na ng malaman ng ina nito na lason pala ang pinainom niya dito. Sinubukang humingi ng saklolo ng kaniyang ina sa kanilang komunidad ngunit huli na ang lahat dahil pagkatapos makabalik ng kaniyang ina kung saan nakahundusay ang lalake ay wala na ito at nawasak na rin ang kisame sa bahay na kung saan dapat sila titira. Ang hindi lang alam ng lalake ay nagdadalang-tao na pala ang kaniyang ina noon…
Pagkatapos marinig ang kwento ng mandirigmang babae ay sinabi nito na kailangan niyang tapusin ang labanan upang makamit ang katahimikan sa lupa. Ngunit hindi sumang-ayon dito ang pinuno ng pulang emperyo at agad na inatake ang mandirigmang babae ng pana upang ito ay mamatay. Ngunit dahil sa pagmamahal ng dragon dito ay ISINAKRIPISYO nito ang sarili sa pamamagitan ng pagsalo sa palaso na may kakayahang puksain ang kahit ano. Sa huling pagkakataon ay bumugha siya ng napakalaking apoy na tuluyang tumupok sa buong pwersa ng pulang emperyo kasama ang pinuno at maging lupain nito.
Pagkatapos malagutan ng hininga ng dragon ay unti-unting sumilip ang liwanag sa madilim na kalangitan at iyon na ang hudyat para sa bagong simula para sa lahat at ang tawag dito ay—kapayapaan.
About FoobarPH
Writing, generally, has no fixed definition; only limitless ideas, and unknown possibilities and it is beyond reach.